Ang mga sintomas ng allergy ay iba-iba, depende sa kung anong bagay ang nagdulot nito at anong bahagi ng katawan ang apektado. Maaring lumitaw ang mga sintomas sa balat o kaya naman sa daluyan ng paghinga. Narito ang mga sintomas na maaaring maranasan para sa allergy dahil sa pagkakalanghap ng allergens:
- Pagbahing
- Pangangati ng ilong
- Pagbara ng ilong
- Pag-agos ng sipon
- Pagluluha at pamumula ng mga mata
Para naman sa mga allergy dahil sa mga bagay na nakain, narito ang ilan sa mga sintomas na maaaring maranasan:
- Pangangati ng bibig
- Pamamaga at pamumula ng labi at dila
- Paninikip ng daluyan ng paghinga
- Pangangati ng balat
- anaphylaxis, o grabeng reaksyon ng katawan
Kung ang allergy ay dulot ng kagat ng insekto o pagkakadikit ng balat sa isang allergen, maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pamumula at pamamaga ng bahaging nakagat ng insekto o nadikit sa allergen
- Pangangati ng balat
- Pagpapantal-pantal ng balat
- hirap sa paghinga
- anaphylaxis
Maaari ding magkaroon ng allergy sa mga gamot na iniinom, at makaranas ng sumusunod na sintomas:
- Pagpapantal ng balat
- Pamumula
- Hirap sa paghinga
- Pamamaga ng mukha
- Pangangati ng balat
Kung minsan, ang allergy ay maaari ding magdulot ng grabeng reaksyon sa katawan o anaphylaxis. Dapat itong mabantayan sapagkat may posibilidad na manganib ang buhay dahil sa anaphylaxis. Ang sintomas ng grabeng reaksyon ng katawan ay ang sumusunod:
- Kawalan ng malay
- Hirap sa paghinga
- Pagbagsak ng presyon ng dugo
- Pagsusuka at pagliliyo
- Pagpapantal ng balat
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Kinakailangan ang agarang pagpapatingin sa doktor kung naganap ang anaphylaxis o grabeng reaksyon ng katawan sa isang allergy. Maituturing itong isang medical emergency sapagkat kung hindi maaagapan, maaari itong makamatay. Para naman sa mga taong hindi sigurado kung may allergy, maaaring magpatingin sa doktor upang masuri at matukoy kung talagang nakakaranas ng allergy.