Ang mga pangunahing sintomas at senyales na mararanasan sa pagkakaroon ng epilepsy ay ang sumusunod:
- Pagkalito o pagkawala ng malay-tao
- Hindi makontrol na panginginig o paninigas ng katawan
- Hirap sa pag-iisip
- Pansamantalang pagkawala ng mga abilidad na makadama, makadinig at makakita
Sa kalaunan, maaari pang dumanas ng ilang mga mas seryosong kondisyong pisikal at sa pag-iisip.
- pagpapasa
- pagkakaroon ng mga bali sa katawan
- pagkakadanas ng depresyon at pagkabagabag
Bukod sa mga nabanggit, maaari ding dumanas ng iba pang mga sintomas at kondisyon na depende naman sa uri ng kondisyon ng epilepsy na nararanasan.
- Absence seizure. Isang uri ng atake kung saan napatitig sa kawalan ang pasyente na may pailan-ilan pang panginginig ng mga kalamnan. Ito ay pinakakaraniwan sa mga bata.
- Tonic seizure. Ang atake na nagdudulot ng paninigas sa katawan, partikular sa likod, mga braso at mga binti. Kadalasang natutumba o napapahinga ang pasyenteng dumaranas nito.
- Atonic sezure. Tinutukoy sa uring ito ang kawalan ng kontrol sa mga kalamnan kung kaya’t bumabagsak na lamang sa sahig ang pasyente.
- Clonic seizure. Sa uring ito, nararansan ang serye na pabalik-balik na pag-atake ng panginginig at paninigas ng katawan partikular sa mukha, braso at leeg.
- Myoclonic seizure. Ang biglaang panginginig at paninigas ng mga braso at binti ay ang tinutukoy naman ng uring ito.
- Tonic-Clonic seizure. Ang pinakamatinding uri ng atake ng epilepsy ay ang tonic-clonic seizure. Dito’y nawawalan ng malay-tao at kontrol sa mga kalamnan, at maaari pang makagat ang dila dahil sa atake.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Marapat lang na magpatingin sa doktor kung dumanas ng mga sumusunod:
- Paninigas o panginginig ng mga kalamnan na nagtatagal ng higit 5 minuto
- Nahihirapang huminga o bumalik ang malay-tao matapos ang atake ng seizure
- Magkasunod na atake ng seizure
- Pagkakaranas ng seizure na may kasabay na mataas na lagnat
- Dumanas ng pinsala sa katawan gaya ng pilay o sugat matapos ang atake ng seizure
- Kasabay ng kondisyon ng pagbubuntis.