Ang pagkakaroon ng sakit na filariasis ay kadalasang walang pinapakitang kahit na anong sintomas sa umpisa ng pagkakasakit. Maaari lamang magkaroon ng panakanakang pamamaga ng ilang kulani sa katawan dahil sa reaksyon ng immune system sa impeksyon ng parasitikong bulate. Ang iba’y maaari ding makaranas ng pananakit ng kasu-kausan at pangangapal ng balat. Nakikilala lamang ang pagkakaroon ng sakit kinalaunan kapag nagsimula na ang panlalaki o pamamanas ng ilang bahagi ng katawan gaya ng hita, binti, o bayag.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Dahil nga kadalasan ay walang sintomas na nararamdaman sa pagsisimula pa lamang ng sakit na filariasis, malamang sa malamang ay isinasa-walang bahala lamang ang pagkakaroon nito hanggang sa magsimula ang pamamanas ng mga bahagi ng katawan. Sa oras na maramdaman ang hindi normal na pamamaga ng mga paa, binti o bayag, agad na magtungo sa doktor upang masuri kung positibo sa sakit na filariasis.