Ang mga tumutubong kulugo sa ari ang pangunahing sintomas ng sakit na ito. Sa mga kababaihan, ang kulugo ay maaaring tumubo sa puwerta (vagina), sa kuwelyo ng ari (cervix), at maging sa bungad ng ari. Sa lalaki naman, tumutubo ang kulugo sa ulo, sa katawan ng ari, o kaya naman ay sa bayag. Maaari din tumubo ang mga kulugo sa paligid o mismong butas ng puwit. Bukod pa dito, may posibilidad din na tumubo ang mga kulugo sa bibig at sa lalamunan. Ang kulugo ay maaaring maliliit na umbok at maaaring kulay abo o kulay laman. Puwede din itong bilugan o patag na maaaring tumubo na kumpol-kumpol. Kadalasan ay nakakaranas ng pangangati o kaya’y hindi kumportableng pakiramdam sa bahaging tinubuan ng kulugo. Higit sa lahat, may posibilidad din na duguin ang ari tuwing nakikipagtalik.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Maaaring magpatingin sa doktor kung ikaw o ang iyong kapareha ay tinubuan ng kulugo sa ari. Agad magpakonsulta at humingi ng payo para sa gamutan.