Ang mga taong nanganganib dumanas ng heatstroke ay maaaring makaramdam ng mga sumusunod na sintomas at senyales:
- Mataas na temperatura ng katawan. Ang mga taong umaabot sa 40 degree Celsius ang temperatura ng katawan ang pangunahing senyales ng pagkakaheatstroke. Kung ito ay magtutuloy-tuloy ng mahabang panahon, maaari itong humantong sa pagpalya ng buong katawan.
- Kaibahan ng pag-uugali. Ang pagiging balisa, bugnutin, hirap sa pagsasalita, pagkalito, o pagdedeliryo ay mga sintomas ng pagtungo sa heatstroke.
- Kakaibang pagpapawis. Ang sobrang pagpapawis o hindi paglabas ng pawis na hindi pangkaraniwan para sa isang indibidwal ay maaari ding sintomas ng heatstroke.
- Pagliliyo at pagsusuka. Dahil sa sobrang init ng katawan, maaaring makaramdam ng pagliliyo at pagsusuka.
- Pamumula ng balat. Makikitaan din ng kakaibang pamumula ng balat ang taong dumaranas ng heatstroke.
- Mabilis na paghinga o madaling pagkahingal. Dahil pa rin sa sobrang init, bumibilis ang paghinga ng tao sapagkait ito ay isang paraan ng pagpapanatiling malamig ng katawan. Bumibilis ang paghinga kung tataas din ang temperatura ng katawan.
- Mabilis na tibok ng puso. Kasabay ng mabilis na paghinga ay ang pagbilis din ng tibok ng puso, gayun din ang presyon ng dugo. Lahat ng ito ay dahil sa mainit na temperatura ng katawan.
- Pananakit ng ulo. Isa rin ang utak sa mga madaling maapektohan ng sobrang pagtaas ng temperatura. Kaya naman, sadiyang mananakit ang ulo kung mag-iinit ng sobra ang katawan.
- Panghihina ng mga kalamnan. Gaya ng panghihina ng ilang mga organs ng katawan, ang mga kalamnan din ay lubos na naaapektohan ng sobrang init ng katawan.
- Pagkahimatay. May posibilidad na mawalan ng malay ang taong na-heatstroke.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Ang kaso ng heatstroke ay tinuturin na medical emergency. Ibig-sabihin, nangangailangan ito ng agarang lunas sapagat kung mapapabayaan, ay maaring humantong sa mas malalang kondisyon o pagkamatay.