Ano ang mga Sintomas ng Hepatitis B?

Mahigit na kalhati (50%) ng mga taong may Hepatitis B ay walang mararamdaman ng kahit anong sintomas, kaya napakahalaga ng screening o ang pagpapasuri sa doktor kung positibo sa Hepatitis B.

Mga karaniwang sintomas ng Hepatitis B

  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagiging matamlay o pagkakaron ng pakiramdam ng pagod
  • Pangangati sa buong katawan
  • Paninilaw ng balat sa buong katawan
  • Pagkakaron ng ihi na kulay tsaa at iba pang pagbabago sa pag-ihi

Ang malalang uri ng Hepatitis B ay maaari ring magdulot ng:

  • Biglaang paglaki ng tiyan
  • Biglaang paninilaw
  • Pagiiba ng pag-uugali, pagiging irritable o magagalitin
  • Pagiging pala-tulog o antukin, pagkalito

Tandaan na ang mga sintomas na ito ay hindi eksklusibong sa Hepatitis B lamang; maaari rin silang maramdaman sa ibang uri ng Hepatitis gaya ng Hepatitis A at Hepatitis C.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung mayroon kang sintomas ng Hepatitis B, magpatingin na agad sa doktor. Anong klaseng doktor? Sa umpisa, kahit sa General Practioner o Family Doctor muna magpatingin. Maari ring lumapit sa isang ispesyalista sa tiyan at bituka o Gastroenterologist. Kailangan ang agarang aksyon upang maagapan ang posibleng pag-lala nito at anumang komplikasyon sa atay at sa katawan.