Ano ang mga sintomas ng pagdurugo ng ilong o nosebleeding?

Ang pagdurugo ng ilong ay kadalasang nagaganap lang sa isang butas ng ilong, ngunit kung ang kaso ng pagdurugo ay grabe at umabot na sa loobang bahagi ng ilong, ang pagdurugo ay maaari ding lumabas sa parehong butas ng ilong. Maaari ding malulon ang dugo at lumabas sa bibig sa pamamagitan ng pagdura o pagsusuka. Ang iba pang sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Pagkahilo
  • Pagkalito
  • Pananakit ng ulo
  • Pagka-himatay

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagdurugo ng ilong ay kadalasang hindi naman talaga seryoso, at hindi dapat ikabahala. Ngunit kung ang pagdurugo ay nagiging madalas at matagal huminto, maaaring dapat nang magpatingin sa doktor. Dapat ding magpatingin kung ang pagdurugong nararanasan ay hindi lamang sa ilong kundi sa ibang bahagi ng katawan gaya ng gilagid, ihi at dumi. Kung ang pagdurugo ay may kasabay din na pagkakaroon ng mga pasa, o dahil sa pag-inom ng isang gamot, maaari ding magpatingin sa doktor.