Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagpapakita ng mga senyales o makararanas ng mga sintomas ang mga taong mayroong bato sa apdo. Nararanasan laman ang mga sintomas sa oras na bumara ang mga bato sa mga daluyan ng likido sa tiyan. Ang mga sintomas na maaring maranasan dahil dito ay ang sumusunod:
- Pabugso-bugsong pananakit ng sikmura na tumitindi at gumagapang patungo sa itaas na kanang bahagi ng tiyan
- Pabugso-bugsong pananakit ng sikmura na tumitindi at gumagapang patungo sa ibaba ng dibdib
- Pananakit ng likod sa pagitan ng mga balikat
- Pananakit ng kanang balikat
Ang mga pananakit na mararanasan ay dahil sa pagkakaroon ng bato sa apdo ay maaaring magtagal ng ilang minuto hanggang ilang oras.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Agad na magpatingin sa doktor sa oras na maranasan ang mga sintomas na nabanggit at nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam o nakagagambala na sa pang-araw-araw na gawain. Lalong kailangan mapgpatingin kung nagkaroon na rin ng lagnat, at naninilaw ang balat at mata, sapagkat ito ay maaaring simula na ng impeksyon sa atay at mga daluyan ng mga likido sa tiyan.