Mayroong iba’t ibang uri ang sakit sa psoriasis at sa bawat uri na ito ay may iba’t ibang sintomas na maaaring maranasam. Ngunit para sa karaniwang kondisyon ng psoriasis, narito ang ilan sa mga sintomas:
- Nangangapal at namumulang patse sa balat na kadalasang nakikita sa siko at tuhod
- Pangangaliskis at pamamalat ng bahagi ng balat na apektado
- Pagsusugat ng bahagi ng balat na natuklapan
- Pabibitak at pagkakaliskis ng anit.
- Pangangati ng apektadong balat
- Pagtutuklap at pamumuti ng kuko
Ang mga sintomas na nararanasan ay maaaring lumala dahil sa sumusunod:
- Malamig na temperatura
- Tuyong klima
- Stress
Ano ang mga antas ng sakit na Psoriasis?
Ang sakit na psoriasis ay maaaring hatiin sa tatlo: Mild, Moderate at Severe. Ito ay nahahati depende sa kung gaano kalawak ang balat na naaapektohan. Habang lumalala ang kaso ng psoriasis, mas humihirap din ang gamutan dito
- Mild Psoriasis – Kakaunting bahagi lamang ng balat ang naapektohan ng sakit. Ito ay kadalasang nakikita lamang sa siko at tuhod.
- Moderata Psoriasis – Ang apektadong balat ay mas malawak. Maaring apektado din ang anit. Tinatayang 20% ng balat ang apektado ng sakit.
- Severe Psoriasis – Bukod sa apektadong balat sa siko, tuhod, at anit, apektado din ang balat sa mukha, mga kamay, dibdib at likod. Maaaring ito’y may pagsusugat at may kaakibat pananakit ng kasu-kasuan na tinatawag na psoriatic arthritis.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Makabubuting magpatingin sa doktor sa simula pa lang na maranasan ang mga nabanggit na sintomas. Ito’y upang makatiyak kung anong uri ng sakit ang nakapagdudulot ng mga sintomas sa balat. Tandaan na may ilan ding sakit na mayroong kaparehong sintomas sa psoriasis. Makabubuting magpatingin sa dermatologist upang makasiguro. Makabubuti ring magpatingin kung ang mga sugat sa balat ay makikitaan ng impeksyong dulot ng bacteria.