Ang pagkakaroon ng sipon ay may ilang sintomas na kilalang kilala ng lahat sa atin. Nararamdaman ito 2 hanggang 3 araw mula nang mapasok ng virus ang katawan. Ang mga kilalang sintomas ay ang sumusunod:
- Sore throat. Sa pag-uumpisa ng sipon, unang nararanasan ng taong apektado nito ay ang pananakit ng lalamunan o kayay pamamaga ng likurang bahagi ng ngalangala.
- Tumutulong sipon o runny nose. Ang sore throat ay kadalasang sinusundan ng matubig na sipon na patuloy na tumutulo mula sa ilong. Sa paglipas ng mga araw, ang sipon na ito ay kumakapal at maaaring bumara sa ilong.
- Madaling kapaguran. Dahil aktibo ang mga depensa ng katawan sa pakikipaglaban sa virus na nakapasok sa katawan, ang apektado ng ng sipon ay madaling mapagod.
- Madalas na pagbahing.
- Ubo.
Paano kung ang sintomas ay may kasamang lagnat?
Kung ang mga sintomas na nararanasan ay sinabayan pa ng lagnat, maaaring ito ay trangkaso na. Ang trangkaso o flu ay may kaparehong sintomas ng sa sipon, ngunit ito ay sinasabayan ng lagnat. Ang mga virus na nagdudulot lamang ng sipon ay walang kakayanang makapagdulot ng lagnat.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Ang pagkakaroon ng sipon ay karaniwan at kusang nawawala kahit na walang gamutan, kaya’t kadalasan ay hindi na nangangailangan ng atensyon mula sa doktor. Ngunit kung ang mga sintomas ay hindi mawala o lumampas na ng 2 linggo, maaaring ito ay indikasyon na ng iba pang sakit. Ang mga ito ay kailangan nang ikonsulta sa doktor.