Ano ang mga sintomas ng TB o tuberculosis?

Una sa lahat kailangan kong idiin na maaaring WALANG SINTOMAS ang TB. Ibig sabihin, pwedeng may TB ay isang tao pero wala siyang nararamdaman. Ang pagkakaron ng sintomas ng TB ay hindi katumbas ng pagkakaron ng TB at ang kawalan ng sintomas ng TB ay hindi katumbas ng kawalan ng TB sa katawan. Mahalaga ito sapagkat maraming mga taong tumitigil sa pag-inom ng gamot sa TB kapag nawala na ang kanilang mga sintomas. Ito’y hindi dapat gawin dahil ang TB ay isang mikrobyo na maaaring bumalik (TB relapse) at mapalakas pa (TB resistance), at maging higit na mas mahirap puksain (multi-drug resistant TB).

Narito ang mga karaniwang sintomas ng TB:

  • Ubo na tumatagal ng higit pa sa 3 linggo
  • Umuubo ng dugo o plema na may dugo o kulay kalawang
  • Lagnat o sinat, lalo na sa hapon o sa gabi
  • Pamamawis sa gabi
  • Pangangalos o panghihina
  • Pagbabawas ng timbang
  • Pananakit sa dibdib o sa likod
  • Kawalan ng ganang kumain

Ang mga nabanggit sa itaas ay mga sintomas ng TB sa baga. Kung nasa ibang bahagi ng katawan ang TB maaaring magkaron ng ibang sintomas. Halimbawa, kung may TB sa kulani sa leeg, pwedeng magkaron ng pamamaga, pagbukol, at pagkirot sa bahaging iyon ng leeg.