Sa oras na makapasok sa katawan ang lason ng tetano, ang indibidwal ay makakaranas ng progresibong pananakit ng mga kalamnan sa palibot ng sugat na naimpeksyon. Ito ay magtutuloy-tuloy kasabay ng tumitinding pananakit at paninigas ng katawan. Narito ang ilan pang mga sintomas ng impeksyong tetano:
- Pananakit at paninigas ng panga o Lockjaw
- Paninigas ng kalamnan sa leeg
- Hirap sa paglunok
- Paninigas ng kalamnan sa tiyan
- Pangingisay at pananakit ng iba pang bahagi ng katawan
Ito rin ay may kasabay na lagnat, pagpapawis, mabilis na tibok ng puso, at mataas na presyon ng dugo.
Ano ang maaaring mangyari kung mapabayaan?
Kung mapapabayaan, ang malalang kaso ng impeksyong tetano ay maaaring magdulot ng pagkabali ng mga buto at pagkabaldado. Maaari din nitong maapektohan ang mga kalamnan sa daluyan ng paghinga at maaaring magdulot ng kamatayan.
Kailan kinakailangang magpatingin sa doktor?
Makabubuting magpatingin sa doktor at magpaturok ng bakunang tetanus booster kung sakaling magtamo ng malaki at maruming sugat. Ito’y lalong kailangan kung hindi pa nababakunahan o kaya naman ay lumipas na ang 5 taon mula sa huling pagbabakuna.