Ang mga sintomas ng tigdas o measles ay karaniwang sumusulpot makalipas ang isa hanggang dalawang linggo mula sa pagkakahawa. Ang mga sintomas ay karaniwang tumatagal ng isang linggo at dahan-dahang nawawala.
Mahalaga: Hindi sabay-sabay lumalabas ang sintomas ng tigdas. May tinatawag na ‘prodromal phase’ o pangunahing sintomas na binubuo ng mga sumusunod (maaaring hindi lahat ng ito ay maranasan):
- Lagnat (pwedeng umabot ang temperatura sa 40 degrees C)
- Ubo‘t sipon
- Mapulang mga mata (red eyes)
- Masama ang pakilasa
- Parang tinatrangkaso
- Walang ganang kumain
Makalipas ang 2 hanggang 4 na araw pagkatapos ng pagkakaron ng lagnat at iba pang mga pangunahing sintomas, lumalabas na ang ‘rashes’ ng tigdas na nag-uumpisa sa ulo at parang kumakalat pababa sa ibang mga bahagi ng katawan. Ang ‘rashes’ ay maaaring tumagal ng 3 araw hanggang 1 linggo, at ito’y kumukupas sa balat sa gayun ding pagkakasunod-sunod: una itong nawawala sa ulo hanggang sa huling bahagi kung saan ito’y kumalat.
Pag-litaw ng mga ‘rashes’, ang lagnat at iba pang sintomas ay pwedeng mawala subalit maaari ring magpatuloy ang lagnat o sinat ngunit hindi na kasing taas noong una.
Habang nanatili ang rashes (hanggang 5 araw makatapos ang unang pagsulpot nito), ang isang taong may tigdas ay maaaring makahawa ng ibang tao na walang bakuna laban sa measles.