Ano ang mga sintomas ng tulo o gonorrhea?

Ang sakit na tulo o gonorrhea ay kadalasang walang pinapakitang sintomas o senyales, ngunit kung meron man, ito nakikita o nararanasan sa ari. Bukod pa rito, maaari ding lumabas ang mga sintomas sa iba pang bahagi ng katawan. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Mahapding pag-ihi
  • Tumutulong nana mula sa ari
  • Pamamaga ng bayag sa mga kalalakihan
  • Madalas vaginal discharge na maaaring may amoy
  • Pagdurugo ng ari
  • Pananakit ng tiyan at puson

Bukod sa ari, maaari ding makaapekto sa ibang bahagi ng katawan ang mga sintomas ng gonorrhea, gaya ng:

  • Tumbong o Rectum: Nagkakaroon ng pangangati sa butas ng puwit at maaaring labasan ng mga nana.
  • Mata: Mahapding mata at madaling masilaw. Maaari ding may lumabas na nana mula sa mata.
  • Lalamunan: Makakaranas ng sore throat at pamamaga ng kulani sa bandang leeg.
  • Kasu-kasuan: Makakaranas ng pananakit sa mga kasi-kasuan kung magkaka-impeksyon din sa lugar na ito.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kadalasan ay nahihiya ang taong nakakaranas ng mga sintomas ng tulo kung kaya’t mas pipiliin niyang mag-self medicate. Ngunit dapat tandaan na hindi dapat mahiyang lumapit sa doktor sa kahit na anong kondisyong nararanasan sapagkat ang mga doktor ay may prinipsyo ng “confidentiality“. Agad na magpatingin kung sakaling mahirapan sa pag-ihi o kaya’y may lumalabas na nana sa pag-ihi. Kinakailangang magamot kaaagad ang impeksyon bago pa ito magdulot ng komplikasyon.