Ang sintomas ng typhoid ay kadalasaang nararanasan matapos ang 1-2 linggong incubation period ng Salmonella. At ang sintomas ay nagpapabago-bago sa pagtagal ng panahon. Narito ang mga sintomas na maaaring maranasan sa unang linggo ng pagkakasakit:
- Lagnat na maaaring umabot sa 39.4 hanggang 40.0 Celcius.
- Pananakit ng ulo at katawan
- Panghihina
- Pagkapagod
- Ubo
- Pananakit ng tiyan
- Pagtatae, o hirap sa pagtae
Kung hindi mabibigyan ng lunas sa unang linggo ng pagkakasakit, maaaring lumala ito at umabot sa ikalawang antas ng sakit. Sa ikalawang antas ng typhoid, maaaring makaranas ang sumusunod na sintomas:
- Hindi bumababang lagnat
- Patuloy na pagtatae, o maaaring hirap sa pagtae
- Matinding pananakit ng tiyan
Sa pangatlong linggo na hindi pa rin magamot, ang mga sintomas ay lalo pang lalala at maaari pang makaranas ng sumusunod:
- Pagdedelirio
- Hirap sa pagkilos at pagtirik ng mata.
- Maaari ding magsimula ang pagdurugo sa bituka at tiyan.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Sa simula pa lang na nakakaranas ng walang humpay at mataas na lagnat, dapat nang mabahala at agad na magpatingin sa doktor. Ang typhoid ay kailangang agad na malunasan bago ito magsimulang magdulot ng pagdurugo sa katawan. Kung mapapabayaan, ang mga komplikasyon ng typhoid ay maaaring makamatay.