Ano ang myoma?
Ang myoma (uterine fibroids; myoma uteri) ay mga bukol-bukol na umuusbong sa matris ng babae sa mga taong sila’y maaaring magdalang-tao. Hindi ito kanser, at hindi isang nakakamatay na sakit, subalit ito’y maaaring magdulot ng kirot o sakit sa puson at pagbabago sa monthly period. Gayunpaman, karamihan ng babaeng may myoma ay walang nararanasan na sintomas.
Ano ang sanhi ng myoma?
Hindi pa lubusang naipapaliwanag ang pagkakaron ng myoma. Ang kasalukuhang paliwanag ay ang pagkakaron ng myoma ay dulot ng kombinasyon ng ‘genetics’ (nasa lahi) at mga ‘hormones’ sa katawan.
Sino ang may posibilidad na magkaroon ng myoma?
Image Source: unsplash.com
Lahat ng babae na rumeregla pa o maaari pang magdalang-tao ay pwedeng maapektuhan ng myoma. Napag-alaman na kung ikaw ay nabuntis at nagdalang-tao noong nakaraan, bumababa ang posibilidad na magkaron ka ng myoma. Ang paggamit ng pills o OCPs para sa family planning ay napag-aralan ring nakakababa ng risk sa myoma, ngunit marami pang pag-aaral ang kailangan gawin upang matiyak ang mga ito.