Ang health insurance ay isang binabayarang produkto na ang layunin ay gawing garantisado ang kalusugan ng isang tao. Sa pamamagitan ng pagbigay ng kontribusyon kada buwan, makakasigurado ang isang tao na makakakuha siya ng tulong sa insurance kapag siya ay nangailangan. Dahil hindi naman lahat ng tao ay nagkakasakit nang sabay-sabay, ang inyong kontribusyon ay maaaring gagamitin upang matugunan ang mga problemang pangkalusugan ng ibang tao. Sa kabilang banda, ang pera ng ibang tao ay maaari ring gamitin upang mabigyan ka ng serbisyong pangkalusugan. Sa madaling salita, ang silbe ng insurance na ito ay siguraduhing mabibigyan ka ng serbisyong pangkalusugan sa oras ng iyong pangangailangan.
Kaya noong 1995, ginawang batas ang R.A. 7875 kung saan itinatag ang isang sambayanang programa para sa insurance na pangkalusugan o National Health Insurance Program. Ito ay tumutugon sa artikulo 2, seksyon 15 ng ating konstitusyon (1987 Philippine Constitution) na nagsasabi na ang gobyerno/estado ang magproprotekta sa karapatan ng kalusugan ng isang tao at magbigay ng kaalamang pangkalusugan sa kanila. Sa panahon na iyon, itinatag ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth upang bigyan aksyon ang batas.
Mithiin ng Philhealth (Vision)
Ang Philhealth ang pangunahing korporasyon ng gobyerno na magsisigurado ng progresibong insurance na pangkalusugan na masusustentohan at abot-kaya at hangaring maimpluwensiyahan ang pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan na may kalidad at maabot ng lahat ng Pilipino.
Misyon ng Philhealth (Mission)
Bilang tagapamahala ng pera ng taong bayan, ang Philhealth patuloy na magpapaganda ng nasusustentohan na isang sambayanang programa para sa insurance na pangkalusugan na:
- Magpapatungo sa pagserbisyo ng lahat ng Pilipino (universal coverage)
- Makasiguro ng mas magandang benepisyo sa mas abot-kayang mga halaga
- Maki-coordinate sa mga miyembro at mga stakeholder
- Magbigay ng impormasyon at mga sistema upang maimpluwensiyahan ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan na may kalidad
Bagama’t madaming pribadong kompanya ang nagaalok ng insurance na pangkalusugan, ang Philhealth ang may pinakamaraming miyembro dahil sa mas abot-kaya ito para sa karaniwang Pilipino. Kaya upang mapangalagahan ang inyong kalusugan, siguraduhing maging miyembro ng Philhealth!