Q: Ano ang gamot kung ang baby ay may halak?
A: Ang halak ay parang ubo na may maraming plema at ito ay karaniwang nararanasan ng mga bata at sanggol, na kasama ng ubo at sipon, at paminsan pati lagnat. Dahil konektado ang mga lagusan sa ilong, bibig, at lalamunan, minsan mahirap matukoy ang kaibahan sa sipon at plema, gayundin sa ubo, sipon, at halak. Para sa mga doktor, ang mga sintomas na ito ay karaniwang bahagi ng kondisyon na tinatawag na ‘upper respiratory infection’, na ang ibig-sabihin lamang ay may impeksyon sa bandang lalamunan, bibig, at ilong. Ito’y maaaring sanhi ng bacteria (bacterial infection) o virus (viral infection).
Karamihan sa mga ganitong sakit ay viral, at nawawala ng kusa at hindi kinakailangan ng gamot. Pag-inom lamang ng sapat na tubig at likido (para sa mga baby edad 6 na buwan pataas), tamang pagpapasuso (breastfeeding), at pagpapanatiling maginhawa ang baby sa pagtulog, malinis ang kanyang katawan, at maaliwalas ang paligid: Ang mga ito ay makakatulong sa baby habang sya ang gumagaling ng kusa sa impeksyon.
Ngunit may iba ring bacterial na kinakailangan ng gamutan. Ang pagkakaiba sa impeksyon na nangangailangan ng gamot at sa impeksyon na mawawala ng kusa ay mahirap matukoy at kinakailangan ng eksaminasyon ng isang pediatrician (doktor ng bata) o ibang doktor. Isang babala: Ang katawan ng mga bata ay maselan at hindi maganda kung bibigyan ang mga baby ng gamot na walang konsultasyon sa doktor. Iwasan ang pagbibigay ng mga cough syrup o anumang gamot sa sipon o ubo ng basta-basta.
Image Source: liverandpancreassurgeon.com
Ipatingin sa doktor ang baby kung may mga sumusunod na sintomas o kondisyon:
- Ubo, halak, o sipon na hindi pa nawawala makalipas ang isang linggo
- Ubo, halak, o sipon sa mga batang 0-3 na buwan
- Mataas na lagnat
- Hirap sa paghinga
- Parang hinihika o may paghuni sa paghinga
- May dugo sa plema o sipon
- Namumutla at ayaw dumede o kumain
- May iba pang kakaibang sintomas