Bagaman ang sakit na polio ay kilalang nakapagdudulot ng pagkaparalisa at panliliit ng mga paa, ang karamihan ng kaso nito ay pawang abortive type lamang at hindi naman humahantong sa ganitong komplikasyon. Minsan pa, ang ibang nagkakasakit ng polio ay hindi naman nakararanas ng anumang sintomas.
Ang sumusunod ay ang ilan sa mga karaniwang sintomas na maaaring maranasan ng pasyenteng may abortive type ng polio. Ang mga ito ay maaaring magtagal ng hanggang 1-10 araw.
- Lagnat
- Sore Throat
- Pananakit ng ulo
- Pagsusuka
- Pagkapagod
- Pananakit ng likod
- Pananakit ng leeg
- Pananakit ng mga kalamnan
- Meningitis
Para naman sa paralytic type ng sakit na polio, sa simula ay maaaring akalain na ito ay karaniwang kaso lamang ng sakit na polio ngunit sa kalaunan, maaari itong humantong sa mga mas seryosong sintomas. Ang pagkakaranas ng malalang kondisyon ng sakit na polio na maaaring humantong sa pagkaparalisa ay maaaring magtaglay ng mga simusunod na sintomas.
- Kawalan ng kakayanang kumilos
- Matinding pananakit at panghihina ng mga kalamnan
- Pangangayayat at panliliit ng mga binti
Pagkatapos ng pagkakasakit ng polio, maari o maaaring hindi makaranas ng post-polio syndrome o ang mga epekto ng sakit na polio na nararanasan lamang matapos gumaling mula sa sakit. Ang mga ito ay kadalasang nakaaapekto sa abilidad ng tao na makagalaw ng maayos at humahantong sa pagkabaldado. Narito ang ilan sa mga senyales at sintomas ng post-polio syndrome:
- Progresibong pananakit at panghihina ng mga kalamnan at kasukasuan
- Madaling pagkapagod matapos ang kahit na kakaunting pagkilos lamang
- Hirap sa paglunok at paghinga
- Madaling ginawin
- Depresyon
- Hirap sa pagmememorya at konsentrasyon
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Image Source: www.pep.ph
Upang makasiguro, dapat ay magtungo na sa doktor at magpaturok ng bakuna laban sa polio bago pa man magtungo sa lugar na kilalang talamak ang kaso ng sakit na ito. Sa ganitong paraan, makaiiwas ng husto sa pagkakaroon ng sakit na polio. Marapat din na magpatingin sa doktor kung makararanas ng mga sintomas na nabanggit o kaya naman ay may kasaysayan ng pagkakasakit ng polio sa nakalipas na mga taon.