Ano ang Ultrasound?

Ano ang Ultrasound?

Ang pag-ultrasound ay isang uri ng pagsusuri kung saan gumagamit ng sound waves upang makabuo ng larawan ng loob ng ating katawan. Hindi ito gaya ng x-ray at CT-scan na gumagamit ng radiation.

Para saan ang Ultrasound?

Ang ultrasound ay maaring makapagbigay ng impormasyon ukol sa mga sumusunod. Ang impormasyong ito ay makakatulong sa mga duktor sa kanilang pagsusuri ng inyong karamdaman.

  1. Loob ng katawan at iba’t ibang mga organs
  2. Pamamaga at impeksyon sa loob ng katawan
  3. Daloy ng dugo at lagay ng daluyan nito
  4. Paggalaw ng mga organ gaya ng puso
  5. Lagay ng sanggol sa loob ng sinapupunan

Maari ring gamitin ang ultrasound sa pag-biopsy ng mga bukol ng katawan.

Paano ito ginagawa?

Image Source: www.freepik.com

Ang pasyente ay kadalasang pinapahiga habang ginagawa ang pagsusuri. Ang ultrasound ay gumagamit ng tranducer, isang maliit na bagay na inilalapit sa parte ng katawan na sinusuri. Nilalagyan ng gel ang transducer upang mas lumapat ito sa balat at maging maganda ang mga imahe na mabubuo ng ultrasound. Ang imahe ng mabubuo ay makikita sa isang screen na nakakabit sa transducer.

Ano ang kailangang gawin bago magpaultrasound?

Kailangan lamang magsuot ng komportableng damit upang hindi mahirapan sa pagtanggal nito sa pagsusuri.

Maaring sabihan kayo ng inyong duktor na huwag munang kumain o di kaya ay uminom ng ilang baso ng tubig bago magpa-ultrasound depende sa klase ng pagsusuri na gagawin sa inyo.

Ano ang mga benepisyo ng Ultrasound?

  1. Mas mura kaysa sa ibang pagsusuri gaya ng CT-scan at MRI
  2. Madaling gawin
  3. Hindi masakit
  4. Maaring ulit-ulitin
  5. Walang idinudulot na panganib sa katawan

Ano ang limitasyon ng Ultrasound?

Ang ultrasound ay hindi gaanong tumatagos sa hangin at buto kung kaya hindi ito magandang paraan ng pagsusuri ng sakit sa tiyan at daluyan ng pagkain at ng mga sakit sa buto.