Ang sintomas na maaaring maranasan mula sa pagkakapaso ay naiiba-iba depende sa lala ng kondisyon. Ito ay nahahati sa apat na antas o degree.
• First Degree Burn. Ang unang antas ng lala ng paso ay tumutukoy sa bahagyang pagkakapaso na nakaaapekto lamang sa ibabaw na patong ng balat o epidermis. Ang balat ay namumula at mahapdi. Madali naman itong malunasan at gumaling pagkalipas lamang ng ilang araw.
• Second Degree Burn. Ang ikalawang antas ng lala ng paso ay nakaaapekto naman ibabaw na patong at sa bahagi ng balat na nasa ilalim nito (dermis). Ang balat ay namumula, mahapdi at kadalasang namamaga. Maaari ding labasan ito ng mga likido at mas matindi ang pananakit na mararanasan. Maaari na rin itong magdulot ng peklat sa balat.
• Third Degree Burn. Ang ikatlong antas ng lala ng paso ay tumutukoy naman sa pagkasunog, hindi lamang ng balat, kundi pati na rin ang laman at taba na nasa ilalim nito. Sa lala ng kondisyong ito, maaaring masira pati na ang mga nerves sa nasunog na bahagi ng katawan.
• Fourth Degree Burn. Ang ikaapat at ang pinakamalalang kaso ng paso o sunog sa katawan ay nakaaapekto sa mga kalamnan at maging sa buto. Sa sobrang lala ng kondisyon, ang malat at ilang bahagi ng laman ay maaring nangingitim na at nagsisimula nang magmistulang uling. Maaaring mawalan na rin ng pakiramdam ang bahagi ng nasunog na katawan dahil sa pinsala din sa mga nerves nito.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Image Source: www.metropolitan-general.gr
Ang mga karaniwang kaso ng paso ay kadalasang nalulunasan na sa bahay at hindi na kailangan pang ipatingin sa doktor. Ngunit kung maranasan ang mga sumusunod na sintomas, maaaring kailanganin na ang agarang atensyong medikal:
- Tumitinding pananakit, pamamaga, pamumula, at paglabas ng mga likido sa paso.
- Matagal o hindi naghihilom na paso kahit pa lumipas na ang ilang linggo.
- Dumaranas ng kakaiba at bagong sintomas
Hindi na kailangang mag-atubili pang magpatingin sa doktor kung sakaling maranasan naman ang mga sumusunod na sintomas:
- Malalang paso o sunog sa kamay, braso, mukha, singit, at iba pang mahalagang kasu-kasuan sa katawan gaya ng siko at tuhod.
- Sunog o paso na dulot ng kuryente at matapang na kemikal
- Paso na umabot sa ikatlo at ikaapat na antas.
- Dumadanas ng hirap sa paghinga.