Anong epekto kung nadulas habang nagbubuntis?

Q: Ano po mangyayari s bby oag ndulas ang ngbubuntis?…ano po ang mgiging epekto?

A: Depende kung gaanong kagrabe ang pagkadulas, kung saan ito tumama, kung anung buwan na ng pagbubuntis, at marami pang ibang mga bagay. Marami namang mga babae na nadudulas o na-aaksidente habang sila’y buntis at wala namang itong naging epekto sa kanila o sa kanilang baby.

Dahil naka-balot sa tubig ang sanggol sa loob ng matris, ito’y may proteksyon sa pang-araw-araw na sitwasyon gaya ng pagkakasagi, pagkakadapa, at iba pa. Sa kabilang banda, may mga aksidente, gaya ng pagkadulas, na kung grabe talaga ay maaaring magdulot ng ‘premature delivery’ o panganganak ng wala sa oras. Regular na paghilab ng tiyan, na palakas ng lakas, ang siyang mararamdaman ng babae kung ito ay nangyayari.

Kung talagang grabe ito at talagang nadali ang matris ay maaaring maka-apekto mismo sa baby. Kung ito ay pinapangambahan, ang payo ko ay magpatingin sa iyong OB-GYN upang ma-examine nya ikaw at iyong baby para matiyak ang lagay nito.

Ang mga OB-GYN ay may mga iba’t ibang kagamitan, gaya ng ultrasound at tocometer, na maaari nilang gamitin upang makita ang kalalagayan ng baby sa loob ng matris.