Ang antibiotics ay mga gamot na tumutulong labanan ang iba’t ibang uri ng impeksyon sa katawan. Tumutulong itong puksain ang iba’t ibang uri ng bacteria at maliliit na organismo na nakapasok sa katawan. Ngunit kung ang mga antibiotic ay gagamitin nang mali, maaaring makasama lamang ito imbes na makatulong.
Maaaring magkaroon ng “drug resistance” ang mikrobyo sa katawan at sa kalaunan ay hindi na tatalaban pa ng kahit na anong gamot. At dahil dito, ang sakit ay mas lulubha at maaaring hindi na gumaling.
Paano ito maiiwasan ang drug resistance sa mga mikrobyo?
- Huwag basta-basta uminom ng antibiotic. Magpakonsulta muna sa doktor kung hindi mabuti ang pakiramdam.
- Inumin ang antibiotic ayon sa payo ng doctor at pharmacist. Kumpletuhin ang inirisetang gamutan. Huwag itigil ang gamutan kahit makaramdam ng pagbuti sa mga unang araw ng pag-inom ng antibiotics.
- Bumili lamang ng antibiotics sa mga lisensyadong botika ng FDA upang makasiguro na dekalidad ang iinuming gamot.
- Huwag manghiraman o gumamit ng reseta na hindi laan sa iyo.
Sa darating na Nobyembre 16-22, gugunitain ang Antibiotics Awareness Week sa pangunguna ng WHO Regional Office for the Western Pacific. Layunin nitong ikalat ang impormasyon tungkol sa responsableng paggamit ng antibiotic at ang panganib na hatid sa lahat ng lumalaganap na antibiotic resistance.