Isang mainit na isyu ngayon ang “nuclear crisis” na nagaganap sa bansang Hapon sa pangkasalukyan. Sa masamang·palad, may mga taong sinasamantala ang sitwasyong ito upang maghasik ng pag-aalala at ‘panic’ sa mga mamamayang Pilipino. Sila’y nagkakalat ng mga text message na nakaabot na daw ang “radiation” dito sa Pilipinas. Ito’y pawang mga kasinungalingan, ngunit ito’y isang magandang pagkakataon narin upang ating alamin kung ano ba talaga ang tinatawag na “radiation” at kung mayroon ba itong mga epekto sa ating kalusugan.
Una, ano ba ang radiation? Ano ang gamit nito sa tao?
Image Source: www.nist.gov
Ang “radiation” ay enerhiya na nagmumula sa mga “radioactive” na elemento, gaya ng uranium, plutonium, cesium, at iba pa. Ang “radiation” ay natatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng kalakawakan, at maging ang araw ay pinaggagalingan ng radiation. Ang radiation ay maari ring makuha sa mga laboratory o diagnostic tests sa ospital gaya ng X-ray at CT-scan. Dahil sa kaalaman ng tao tungkol sa radiation, nagkaroon ng mga nuclear bombs na maaaring makalipol sa milyong milyong katao. Nagkaroon din ng mga nuclear power plant na nakakapagbigay ng kuryente sa maraming mga bansa. At nagkaroon din ng tinatawag na “radiotherapy”, isang paraan ng paggamot sa kanser na nakapag-ligtas sa maraming buhay mula ng ito’y inumpisahang gamitin. Sa rami ng gamit ng “radiation” sa Medisina, may mga ‘radiologist” tayo, mga spesyalistang gumagamit ng “radiation” upang tuklasin at gamutin ang iba’t ibang mga sakit sa ating katawan.
Sa makatuwid, ang “radiation” ay isang pangkaraniwang enerhiya lamang. Kaya pag sinabing “radiation”, hindi dapat kaagad mag-panic. May ilang klase at level lamang ng radiation na nakakabahala.·
Kailan dapat mabahala sa radiation?
Image Source: engineering.stanford.edu
Ang radiation ay nakakabahala lamang kung masyadong mataas ang level nito, o kaya, kahit mababa ang antas ay tuloy-tuloy ang iyong exposure. Ito’y maaari lamang mangyari kung makaalpas ang mataas na level “radioactive material” mula sa mga plantang nuclear, kung may magpasabog ng “nuclear bomb” o “atomic bomb”. Ang tuloy-tuloy na exposure naman ay maaari lamang mangyari sa mga taong na-eexpose sa radioactive material bilang bahagi ng kanilang trabaho, gaya ng mga X-ray techinician sa ospital o astronaut na nagbyahe sa Outer Space sa matagal na panahon. Gayon pa man, may mga proteksyon namang binibigay sa mga trabahong ito. Ang X-ray techinician ay may suot na “radiation counter” upang sukatin ang bilang ng radiation na kanyang nakukuha; at nagsusuot sila ng isang espesyal ng “apron” upang protektahan ang kanilang katawan sa radiation.
Sa Pilipinas, sapagkat wala namang plantang nuclear rito, at kung hindi ka naman astronaut, hindi dapat mag-aalala ang publiko na makakarating ang radiation dito mula sa mga planta na galing sa ibang bansa, o magkakaroon man ng problemang pangkalusugan kaugnay ng radiation. Kung iisipin, maski ang atomic bomb na ipinatak sa Hiroshima noong 1946 ay hindi naman naka-apekto sa Pilipinas, at higit na mas malapit ang Hiroshima na nasa Southern Japan kaysa Fukushima at Sendai na nasa Northern Japan.
Para naman sa mga kababayan nating nasa ibang bansa, lalo na sa mga nasa Japan, hindi rin dapat mag-panic. Kahit nag-leak ang mga planta, hindi ibig sabihin na ang level o antas ng radiation na lumabas sa mga planta ay nasa antas na na nakaka-apekto sa kalusugan ng mga tao. Maraming mga “safety features” ang mga ito, lalo na sa Japan kung saan sanay ang mga tao sa lindol, subalit kung may mga pangyayaring kagilagilalas gaya ng lindol na yumanig sa bansang Hapon noong Marso 2011. Ganoon pa man, hindi dapat mag-panic at sumunod lamang sa mga payo at panukala ng gobyerno at awtoridad. Kung sinabing lumikas mula sa “danger zone”, sumunod, para sa ikabubuti ng iyong kalusugan.
Ano bang mga masamang epekto ng radiation, kung sakali?
Image Source: sciencebasedmedicine.org
Kung mangyari ay napaka-labong mangyari na nuclear meltdown sa Pilipinas (na mangyayari lamang kung may planta dito na nuclear, at sa ngayon at wala) o nuclear war (na huwag naman sanang mangyari sa kahit sinong bansa sa kinabukasan), maaaring tumaas ang probabilidad ng mga apektadong tao na magkaroon ng kanser, mga tumor, at iba pang mga pagkakasakit. Kung ang apektado ay buntis, maaari ring magkaroon ng kapansanan sa sanggol sa pagkapanganak. Kung sobrang taas talaga ng level ng radiation sa isang sandali lamang, gaya kung masabugan ka ng nuclear bomb, maaaring kamatayan o pagkasira sa utak ang kaagad mangyari.
Hindi ba talaga tayo apektado ng “nuclear crisis” sa Japan?
Image Source: unsplash.com
Hinding hindi. Mismong sa Japan nga, sa karamihan ng mga bayan ay tuloy ang pamumuhay ng mga tao at sa ngayon ay wala pang naiulat na naapektohan ng radiation. May mga tao na, noong i-test nila, ay napag-alaman mataas ang radiation sa katawan, ngunit hindi ibig-sabihin nito na may mangyayari sa kanila. Dito sa Pilipinas, sa pamamagitan ng “Inverse Square Law” na nagsasabing pag lumalayo ka ay lalong higit na lumalayo ang radiation, ay napakalayo natin sa panganib.
Ang mga isyung “nuclear” ay kaintri-intriga sa maraming mga tao sa buong mundo, kaya malaki ay tendensiya na mga balitang gaya ng nagaganap sa Japan ay palobohin. Maging mapag-suri sa mga balita, o kaya text message, na natatanggap, at pagtuunan ng pansin ang mga mas mahalagang panganib sa kalusugan na ating hinaharap (gaya ng paninigarilyo!).·