- Magpatingin ng regular sa doktor – Ito ay upang malaman ang kalagayan ng iyong puso, at makapagbigay ng gamot kung kailangan. Kung may ibinigay na gamot, ito’y inumin ng tapat at regular.
- Mag-ehersisyo ng regular pero huwag pilitin ang sarili. Ang uri ng ehersisyo ay nakadepende sa estado ng inyong puso, kaya makipag-ugnayan sa inyong doktor kung ano ang pinakamagandang uri ng ehersisyo.
- Iwasan ang matatabang pagkain – Ang kolesterol ay siyang nagbabara sa mga ugat ng puso, at ito ang siyang maaaring maging sanhi ng heart attack.
- Kung may high blood, siguraduhing kontrolado ang inyong BP sa pag-inom ng wastong gamot at pag-iwas sa maaalat at matatabang pagkain. Regular na i-monitor ang BP upang masubaybayan ang pagbabago ng inyong karamdaman.
- Kung may diabetes, maging mas maingat. Maaaring hindi maramdaman ng mga may diabetes ang pagsikip at pagbigat sa dibdib na nagsisilbing babala sa atake ng puso.
- Iwasan ang paninigarilyo at paglalasing! Ang dalawang bisyong ito ay napatunayang may kaugnayan sa sakit sa puso. Sa mga matagal nang naninigarilyo at umiinom ng alak, huwag idahilan na “huli na ang lahat”! Bawat araw na ikaw ay tumigil sa pagyoyosi o pag-inom ay may benepisyo sa iyong kalusugan.
- Huwag ma-stress! Ang “stress” o pag-aalala ay maaaring maging sanhi rin ng atake sa puso, kaya subukang iwasang mag-isip ng mga hindi kanais-nais na bagay. Huwag maging balisa o mapag-alala. Ang pagiging masayahin ay para naring gamot laban sa atake sa puso.
- Huwag basta basta maniwala sa mga “gamot sa puso” o “supplements para sa puso”, lalo na kung ito ay ihahalili sa mga bagay na napatunayan nang epektibo. Walang makakatalo sa matagal nang payo: mag-ehersisyo at kumain ng wasto.