Ang patuloy na pagkalat ng sakit na dulot ng Ebola Virus sa mga bansa sa West Africa ay nananatiling problema ng lahat ng mga alagad ng medisina sa buong mundo. Kung kaya’t patuloy din ang mga pag-aaral sa ukol dito, lalo na sa mga gamot at bakuna na makakatulong makapagpababa sa bilang ng mga kaso. Nito lamang nakalipas na linggo, isang bakuna na nasa experemental stage pa lamang ang nagpakita ng mga positibong resulta laban sa Ebola Virus. Ayon sa pinagsanib na pag-aaaral ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) at GlaxoSmithKline (GSK) na naipalabas sa New England Journal of Medicine, ang kanilang eksperementong gamot laban sa ebola ay mahusay na tinanggap ng katawan at nakapagbigay ng positibong reaksyon sa immune system ng 20 na tao na tumanggap sa nasabing gamot.
Ayon sa pahayag ng mga taga NIAD, ang sinasabing eksperimentong gamot ay magkasamang pinag-aaralan ng mga dalubhasa at siyentipiko mula sa NIAID Vaccine Research Center (VRC) at sa Okairos, isang biotechnology facility na pag-aari ng GSK. Ang bakuna raw ay naglalaman ng genetic material ng Ebola virus na nagmula pa sa mga bansang Sudan at Zaire. Sinasabi din nilang ligtas ang kanilang binubuong bakuna at walang buhay na Ebola Virus kung kaya’t hindi ito makakapagdulot ng anumang sakit.
Ang bakuna ay binigay sa 20 na malulusog na tao na nagboluntaryo para sa pag-aaral. Ang unang sampu ay binigyan ng mababang dosage, habang ang iba pa ay binigyan naman ng mataas na dosage. Ang bakuna ay itinurok at pinalipas ang 4 na linggo. Makalipas ang nasabing panahon, nakitaan ng positibong resulta ang lahat ng 20 na nakatanggap ng bakuna. Sinuri ang dugo ng lahat ng pinag-aaralan, at nakitang positibi sa pagkakaroon ng anti-Ebola antibodies. Higit na mataas ang bilang ng mga antibodies sa mga nakatanggap ng mas mataas na dosage.
Bukod pa rito, positibong nakitaan ng CD8 T cells ang dugo ng 2 sa tumanggap ng mababang dosage, habang 7 naman sa mga nakatanggap ng mataas na dosage. Ang CD8 T cells ang mahalagang panlaban ng katawan sa mga umaatakeng Ebola Virus.
Maliban sa kaso ng lagnat sa dalawang nabigyan ng mataas na dosage na hindi rin naman nagtagal, wala nang naiulat na masamang epekto ang gamot na binigay sa 20 na tao na nagboluntaryo.