Patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng kaso ng nagkakasakit ng AIDS/HIV sa ating bansa. Ngayong taon, umakyat na sa 17% ang bilang ng nagpositibo sa HIV mula Agosto sa nakalipas na taon hanggang Agosto sa taong kasalukuyan. At dagdag pa ng Department of Health (DOH), ito ay dahil umano sa hindi ligtas na pakikipagtalik.
Pagtatalik ang nangungunang paraan ng pagpasa ng sakit na AIDS/HIV. Ayon sa datos ng DOH, 94.64% sa mga bagong kasong naitala ngayong taon ay dahil daw sa hindi ligtas na pakikipagtalik. Ang bilang na 469 o 83% ng mga bagong kaso ay nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki o men having sex with men.
Kaugnay nito, hinihikayat ng DOH ang lahat na mas paboran ang ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik. Kabilang dito ang paggamit ng condoms sa pakikipagtalik, pati na ang pananatili lamang sa iisang kapareha.