Dalawa sa pangunahing ospital sa Maynila ang inihahanda ngayon upang maging espesyal na pagamutan. Ang isa ay inihahanda bilang espesyal na ospital para sa bato (kidney, dialysis), habang ang isa pa ay para naman sa mga kondisyon sa puso (cardiology).
Ayon sa pahayag ni Mayor Joseph Estrada, ang alkalde ng lungsod, ang Ospital ng Sta. Ana ang tinitignan upang maging sentrong pagamutan ng mga sakit sa puso, habang ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo ang pinaplano namang maging sentrong pagamutan ng mga sakit sa bato. Dagdag pa rito, ang Ospital ng Maynila ang mananatili pa ring pangunahing ospital ng lungsod.
Inaasahang mapapasinayaan na ang mga pagbabago sa Ospital ng Maynila sa susunod na buwan matapos ang P200 milyong pagpapagawa dito. Magkakaroon ng bagong gusali at karagdagang mga kwarto at higaan para sa mga pasyente.
Taong-taon, halos sangkatlo ng kabuuang budget ng lungsod ang napupunta sa mga gastusin sa anim na ospital sa bawat distrito. Ito ay tinatayang P200 hanggang P300 milyon.
Sa kasalukuyan, ang Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital ay mayroon nang 64 na bagong makina na pang-dialysis, at ito ay madadagdagan pa ng 36 na bagong makina upang makumpleto ang bilang na 100 na makina sa ospital.
Nilalayon din ng pamahalaang lungsod ng Maynila na pag-igtingin ang suporta sa 59 na health center sa lungsod, at 12 na mga klinikang paanakan. Ang lahat din ng serbisyo sa mga ospital sa lungsod ay mananatiling libre para sa lahat ng residente ng Maynila.