Balitang Kalusugan: 2 Patay sa patuloy na pagkalat ng MERS Virus sa South Korea

Nagbabala na ang World Health Organization sa patuloy na pagkalat ng MERS virus sa South Korea. Ayon sa huling bilang na kinumpirma ng Korean Centers for Disease Control and Prevention, umabot na sa 35 ang bilang ng mga may sakit, at 2 na ang namatay, habang umabot na sa 1,369 ang bilang ng mga kaso ng naka-quarantine ngayon sa mga apektadong lugar. Ito na ang pinakamalaking pagkalat ng sakit sa labas ng bansang Saudi Arabia kung saan pinaniniwalaang nag-umpisa ang mga kaso ng sakit.

Ang unang kaso ng MERS o Middle East respiratory syndrome sa bansa ay naitala noong May 20 nang magkasakit ang isang lalaki na umuwi sa South Korea matapos maglakbay mula Saudi Arabia, UAE, Qatar, at Bahrain.

Ang MERS ay kahalintulad din ng sakit na SARS (severe acute respiratory syndrome) na pumutok sa maraming bansa sa nakalipas na dekada, ngunit ‘di tulad ng SARS, ang MERS ay hindi madaling maipasa sa ibang tao. Kaya naman, marami ang nasorpresa sa mabilis at patuloy na pagkalat ng MERS virus sa bansa.

Buhat nito, nagpulong na ang pamahalaan ng South Korea para tugunan ang lumalalang kaso ng MERS. Sinara na rin ang halos 700 eskuwelahan sa South Korea upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit