Nakalabas na ng ospital ang 2 Pinay nurse na na-confine sa isang ospital sa Riyadh, Saudi Arabia matapos mag-negatibo sa Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV) infection. Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Ginoong Charles Jose noong Martes. Ngunit sa kabila nito, may naiwan pa ring dalawa Pilipinong sa Intensive Care Unit ng ospital at patuloy pa rin na inoobserbahan.
Tiniyak naman ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh na nabibigyan ng kinauukulang pagkalinga ang dalawang Pilipinong nurse na naiwan pa rin sa ospital sa Riyadh. Siniguro din nila na napagpapaalaman ang mga pamilya nila na naiwan sa Pilipinas.
Ang pagkakaroon ng sakit na MERS ay makapagdudulot ng mataas na lagnat, ubo, at hirap sa paghinga. Ayon sa datos ng World Health Organization, higit 1000 na ang nagkaroon ng sakit na ito, at daan-daan na rin ang namatay mula nang magsimulang pumutok ang sakit noong 2012.