Balitang Kalusugan: 3 Koreano na sinuri sa RITM, negatibo sa MERS-CoV

Negatibo sa nakahahawang sakit ang tatlong Koreano na sinugod sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong Lunes, June 29, matapos umanong makitaan ng sintomas ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS). Ito ay kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of Health na si Dr. Lyndon Lee Suy Martes ng umaga, June 30.

Nabahala ang marami nang dinala ang tatlong Koreano sa Manila Doctors Hospital noong Lunes dahil sa kanilang kakaibang nararamdaman na maaaring sintomas daw ng MERS-CoV. Agad naman na inihiwalay ang tatlo at nilipat sa RITM upang kaagad na masuri kung positibo nga sa nakakahawang sakit ang tatlo. Negatibo naman ang lumabas na resulta noong umaga ng Martes.

Ayon pa kay Dr. Suy, nasunod daw nang maayos ang protocol sa pagtugon sa mga pinagsususpetsahang positibo sa sakit, kung kaya ang Pilipinas ay nananatiling MERS-free magpasahanggang ngayon. Wala pa ring dapat ikabahala ang publiko.

Sa ngayon, umabot na sa 183 ang bilang ng nag-positibo sa sakit na MERS sa bansang South Korea, at 33 mula dito ang namatay na. Halos 2,700 naman na mga indibidwal ang sumailalim sa sapilitan at boluntaryong pagpapa-quarantine.