Balitang Kalusugan: 3 pang kaso ng pagkamatay sa South Korea dahil sa MERS-CoV, naitala

Sa pinakahuling ulat ng health ministry ng South Korea ukol sa patuloy na paglaganap ng sakit na MERS-CoV sa bansa, umabot na sa 19 ang bilang ng mga namatay dahil sa sakit nitong Martes.

Ayon pa sa ulat, umabot na sa 154 ang mga kaso ng nagpositibo sa sakit, 17 pa lamang ang gumaling at napauwi na. Sa nalalabing 118 na patuloy pa ring ginagamot sa mga malalaking ospital sa Seoul, 16 ang malala pa rin at nanganganib ang buhay. Ang bilang naman ng isinailalim sa quarantine ay umabot na sa 5,500 na katao, habang 3,500 naman ang nakalaya na. Ito na ang pinakamalaking pagkalat ng MERS sa labas ng bansang Saudi Arabia kung saan pinaniniwalaang nagsimula ang sakit.

Sinasabing ang pagkalat ng sakit na MERS ay nagmula sa mga malalaking ospital sa Seoul kung kaya’t marami dito ang nagsara na muna noong Linggo.

Sa kabilang banda, nakitaan na ng bahagyang paghupa sa bilang ng mga bagong kaso ng sakit. Mula sa 12 na bagong kaso ng sakit na naitala noong Biyernes, bumaba na sa 4 ang naitalang bagong kaso ngayong Martes.