Balitang Kalusugan: Aksyon laban sa anti-microbial resistance, inilunsad ng DOH

Dahil sa lumalalang anti-microbial resistance o pagkawala ng bisa ng mga gamot sa mga lumalaganap na sakit at impeksyon sa ngayon, pinangunahan ng Department of Health (DOH) ang paglulunsad sa kauna-unahang Anti-Microbial Resistance (AMR) Summit sa Pilipinas. Layon ng pagpupulong na ito na matugunan at mabigyang aksyon ang krisis na kinakaharap ngayon ng mundo ng medisina.

Isa sa mga pangunahing isyu na nais matugunan ng AMR summit ay ang patuloy na maling paggamit ng mga gamot na antibiotic na syang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng anti-microbial resistance at nagpapalakas sa maraming uri ng virus at bacteria.

Ang iba’t ibang uri ng mikrobyo, gaya ng bacteria, virus, fungi, at iba pang parasitko ay may kakayanang makabuo ng resistensya sa gamot. Kung mangyayari ito, ang mga mikrobyo ay magpapatuloy sa pagdami at pagkalat ng sakit nang hindi naapektohan ng kahit na anong gamot. Isa sa mga sakit na apektado ng lumalakas na resistensya ay ang Tuberculosis o TB.

Ayon kay Health Secretary Janette Garin, ang mga pangunahing sanhi ng problemang ito ay ang maling paggamit ng mga antibiotic, maling reseta ng gamot, gayundin ang hindi pagtapon ng tama ng mga gamot.

Inilunsad din ng DOH ang tatlong taong plano nito sa pakikibaka sa anti-microbial resistance. Laman nito ang sumusunod:

  1. Pagbibigay ng sapat na tulong pampinansyal na hihimok sa pakikiisa ng publiko
  2. Pagpapalakas sa mga laboratoryo na sentro ng pagsasaliksik
  3. Pagpapakalat ng mga gamot na dekalidad
  4. Pagbuo ng mga regulasyon at pagpapaalam ng tamang paraan ng paggagamot.
  5. Pagpapaigting ng pag-agap at pagkontrol sa mga sakit
  6. Karagdagang pagsasaliksik na tutulong sa paglago ng kaalaman kontra sa drug resistance
  7. Karagdagang plano para sa pag-iwas sa panganib na dulot ng krisis