Dinepensahan ni Health Secretary Janette Garin ang libreng pagpupurga na isinagawa ng Department of Health kahapon, July 29, sa mga pampublikong paaralan kaugnay ng programang Goodbye Bulate. Ito’y matapos kumalat ang balitang maraming estudyante daw sa Zamboanga del Norte ang nahilo, sumakit ang tiyan, at nakaramdam ng iba pang sintomas matapos uminom ng libreng gamot na pampurga. Sinasabi rin sa mga kumalat na balita na expired daw ang binigay ng gamot ng DOH.
Ayon sa kalihim, hindi expired ang mga gamot na binigay sa mga mag-aaral. Ang binigay na gamot ng DOH para sa National Deworming Day ay albendazole na gawa ng Alpa Laboratories Ltd. sa India, at ang mga gamot na ito ay pawang bago na may expiration date na June 2016.
Ang gamot na kumakalat sa social media ay Benzol na may expiration date na June 2012.
Ayon pa sa imbestigasyon ng DOH sa mga paaaralan sa Dipolog City kung saan napabalita ang mga insidente, wala ni isa sa kanila ang gumamit ng expired na gamot.