Balitang Kalusugan: Bacon, ham at iba pang prosesong karne, nagdudulot ng kanser ayon sa World Health Organization

Lumalabas sa pinakahuling ulat ng World Health Organization (WHO) na ang mga prosesong karne gaya ng bacon, ham at longanisa ay posibleng magdulot ng kanser sa tagal ng panahon nang pagkain nito.

Ayon sa pag-aaral ng International Agency for Research on Cancer (IARC) ng WHO, ang mga prosesong karne ay kinokonsidera na din bilang carcinogenic o nakapagdudulot ng kanser. May sapat umanong ebidensya na mag-uugnay sa mga ganitong klase ng pagkain sa pagkakaroon colorectal cancer.

Ang sinasabing malakas na ebidensya ay base sa higit 800 na siyentipikong pag-aaral na pare-parehong iniuugnay sa kanser ang mga karneng prinoseso. Nakasaad din na ang mga prosesong karne na tinutukoy dito ay ang mga karne na dinagadagan ng asin, nilagyan ng pampalasa, pinausukan, at sumailalim sa proseso ng pagpepreserba.

Dagdag pa rito, ang mga “red meat” o mapulang karne ng baka at baboy ay tinukoy din sa pag-aaral ng IARC bilang “probably carcinogenic” o posibleng magdulot ng kanser. Bagaman ang pagtukoy na ito ay base lamang sa limitadong ebidensya at pag-aaral.