Umabot na sa 1,909 ang huling bilang ng mga nabiktima ng nakalalasong durian candy sa ilang probinsya sa Mindanao. Karamihan dito ay mga kabataang estudyante sa Surigao del Sur, habang ang iba ay nagmula naman sa Surigao del Norte, Agusan del Sur, pati na sa Kidapawan City sa Cotabato.
Ayon sa mga ulat, sunod-sunod na sinugod sa mga pagamutan sa Tandag City, Surigao Del Sur ang higit 1,000 biktima na nakakain durian candy at mangosteen candy na may tatak na Wendy’s noong Biyernes, July 10. Ang mga biktima ay dumanas ng magkakaparehong sintomas na pananakit ng sikmura, pagkahilo, at pagsusuka.
Kaugnay nito, naalarma ang lokal na pamahalaan sa mga nabanggit na probinsya at agad na inaresto ang ilang nagtitinda ng candy sa paligid ng mga paaralan. Pinagbawalan na rin ang mga nagtitinda sa mga paligid ng mga paaralan. Samantala, pinaimbestigahan naman ni Mayor Duterte ang gumagawa ang Wendy’s Candy sa Davao City na nauna nang nagsabi na hindi raw sa kanila nagmula ang mga nakalalasong candy.
Wala namang naulat na namatay sa pagkakalason sa candy at ayon kay Governor Johnny Pimentel ng Surigao Del Sur, karamihan sa mga estudyanteng naospital noong Biyernes ay nakalabas na noong umaga ng Linggo.
Sa ngayon ay patuloy pa ring pinag-aaralan sa laboratoryo ang ilang samples ng nakalalasong candy.