Ikinabahala ng Department of Health (DOH) ang patuloy pa rin na pagtaas ng bilang ng kaso ng positibo sa sa HIV. At kaugnay nito, inihayag ng DOH ang kasalukuyang estado ng lumalaganap na sakit sa bansa.
Ayon sa ulat ng DOH, nananatiling mababa ang kaalaman tungkol sa pag-iwas at pagkakahawa ng sakit sa ilang mga mahahalagang lugar sa bansa na talamak ang kaso ng sakit. Ang target na 80% na kabuuang pagkalat ng kaalaman sa populasyon na namemeligrong magkaroon ng sakit ay hindi pa rin maabot-abot at nanantiling mababa sa 40%.
Isa sa mga nakikitang solusyon ng DOH kaugnay ng lumalalang problemang ito ay ang pagpapalawig pa ng pakikipag-ugnayan ng DOH sa iba pang ahensya tulad ng DepEd at mga lokal na organisasyon sa mga malalayong lugar.
Lubos na ikinabahala ng DOH ang patuloy pa rin na pagtaas ng kaso ng may sakit. Mula Enero hanggang Oktubre, umabot na sa 6,552 ang kabuuang bilang ng bagong kaso ng sakit sa bansa. Kung noong taong 2000, 1 kaso lamang ng HIV ang natutukoy kada tatlong araw, ngayong taong 2015, ito ay pumapalo na sa 1 kaso ng HIV kada 1 oras. Tumaas din nang sampung beses ang bilang ng kaso ng mga lalaki at transgender na nagagawang makipagtalik sa kapwa lalaki. Dahil dito, ang paraan ng pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki ang nangunguna na ngayong paraan ng pagkalat ng HIV sa bansa.
Dahil isa rin sa mga tinuturong dahilan ng patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV ay ang hindi paggamit ng karamihan ng condom habang nakikipagtalik, itinalaga ng DOH ang target 80% na paggamit ng condom habang nakikipagtalik target ng paggamit ng condom sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki na gumamit sila ng kondom. Ngunit sa kasamaang palad, nananatili din itong mababa sa 44%. Ayon sa huling pag-aaral ng Integrated HIV Behavioral and Serologic Surveillance (IHBSS), ang hindi paggamit ng condom ay maaaring dahil sa walang mabilhan nito o kaya ay tinatanggal ito sa kalagitnaan ng pagtatalik. Kaugnay din nito, handang magpamigay ng condom at lubricants ang DOH sa mga lugar na walang mabilhan at hihikayatin din nila ang paggamit ng condom sa pakikipagtalik.
Sa kabuuan, tumaas na ng higit 800% ang paglaganap ng sakit na HIV sa nakalipas na 24 na taon sa bansa. Kung hindi mapipigilan ang mabilis nitong pagkalat, at kung hindi ito pagtutuunan ng sapat na atensyon, maaaring umabot na sa 133,000 ang bilang ng kaso pagsapit ng taong 2022.