Bumaba ang bilang ng kaso ng mga Pilipinong nakakaranas ng gutom dahil sa kahirapan sa nakalipas na tatlong buwan o 2nd Quarter ng taong 2015 ayon sa pag-aaral na sinagawa ng Social Weather Station o SWS. Ito raw umano ang pinakamababang bilang sa nakalipas na isang dekada o sampung taon.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng SWS noong Hunyo 5-8, at lumalabas na bumaba sa 12.7% na lamang ang bilang ng mga Pilipinong dumaranas ng gutom sa 2nd Quarter ng taong 2015. Ito ay katumbas ng halos 2.8 milyong pamilya sa bansa. Mas mababa naman ito ng ilang puntos sa 13.5% na naitala naman sa naunang quarter ng taon (Q1).
Ayon pa sa pag-aaral ng SWS, lumalabas naman na tumaas ang bilang ng nagugutom sa Metro Manila (18.3%), at Visayas (11.7%), at bumaba naman sa bilang sa Luzon (10.7%). Ang bilang naman sa Mindanao ay nanatili sa 14.3%.