Ikinatuwa ng Department of Health ang ulat ng World Health Organization (WHO) ukol sa kaso ng paninigarilyo sa buong mundo. Ayon sa ulat, pababa na nang pababa ang bilang ng mga naninigarilyong indibidwal sa buong mundo, partikular sa rehiyong Asya.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nakitaan ng pagbaba sa bilang nag naninigarilyo. Ayon kay DOH Asec. for Technical Services Paulyn Jean Ubial, mula sa 24% noong 2008, bumaba na sa 22% ang mga Pilipinong naninigarilyo noong 2013. Ito raw umano ang kauna-unahang pagkakataon na nakitaan ng pagbaba sa bilang ng mga naninigarilyong Pilipino.
Ang pagbabang ito ay resulta daw ng agresibo at pinaigting na aksyon ng WHO laban sa sigarilyo, gayundin ang pakikiisa ng maraming bansa sa labang ito. Naging epektibo daw nang husto ang mga batas na ipinatupad gaya ng pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at pagbabawal sa mga patalastas ng mga produktong sigarilyo. Mahusay din ang kampanya ng maraming bansa sa pagpapataw ng mataas na buwis o sin tax sa mga produktong tabako, pati na ang pag-iimprenta ng mga masasamang epekto sa kalusugan sa mismong pakete ng mga sigarilyo.
Matatandaang ang presyo ng sigarilyo sa Pilipinas ang isa sa mga pinakamababa sa buong mundo. Sa ngayon, nananatili pa rin sa 30 hangang 40% ang buwis na pinapataw sa mga produktong tabako, ngunit ito ay inaasahang tataas pa sa 75% sa oras maipatupad nang tuluyan ng naipasang Sin Tax sa bansa. At mula dito, inaasahan nang bababa pa nang tuluyan ang kaso ng paninigarilyo sa bansa.