Balitang Kalusugan: Bilang ng namatay sa S. Korea dahil sa MERS, umabot na sa 6

Naitala na sa bansang South Korea ang ika-anim na namatay dahil sa sakit na MERS, ngayong Lunes,  June 8, 2015, habang 23 naman ang naitalang bagong kaso ng sakit. Ang bilang ng mga kaso ay patuloy pa ring tumataas na ngayon ay umabot na sa 87 mula nang magsimula itong kumalat may apat na linggo na ang nakalipas.

Image Source: www.businessdestinations.com

Ang huling kaso ng pagkamatay ay isang matandang lalaki na namatay umaga ng Lunes sa isang ospital sa Daejon.

Lalong ikinabahala ng publiko ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng may sakit. Ngayon ay umaabot na sa 2,300 ang sumailalim sa quarantine, habang ang bilang ng mga eskwelahan na sinara ay umabot na sa 1,900.

Ayon sa mga ulat, karamihan sa kaso ng may sakit na MERS ay nasa loob ng ospital, at naipapasa lamang sa mga pasyente, kanilang mga kamag-anak at sa mga nagtatrabaho sa loob ng ospital.

Kaugnay ng patuloy na lumalalang sitwasyon sa South Korea, pinayuhan ng gobyerno ang lahat na maging maagap at isailalim ang mga sarili sa quarantine. Dahil pa rin sa MERS, kinansela na ang maraming mga aktibidades sa eskwelahan at mga pampublikong kaganapan maraming lugar sa bansa lalo na sa malaking syudad na Seoul at sa paligid ng Gyeonggi province.

.