Isang pag-aaral na nailathala sa medical journal na The Lancet Oncology ang nagsasabing napigilan umano ng paggamit ng contraceptive pill ang tinatayang 200,000 kaso ng kanser sa matres sa nakalipas na isang dekada sa mga mayayamang bansa.
Sinasabing ang pag-inom ng “pills” sa loob ng tinakdang panahon ay kayang makapagbigay ng proteksyon mula sa pagkakaroon ng endometrial cancer, o kanser sa matres, na nakakaapekto sa mga kababaihan. Ang maganda pa, ang proteksyong ito ay kayang magtagal hanggang sa pagsapit sa edad na 50 na taon pataas, kahit pa itinigil na ang pag-inom ng pills sa edad na 20-25.
Image Source: www.freepik.com
Ayon sa kanilang mga datos, kayang pababain nang 25% ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na kanser kung tuloy-tuloy na iinom ng contraceptive pills sa loob ng 5 taon. Kung kaya’t mapapababa sa kalahati na lamang ang tsana ng pagkakasakit ng kanser kung iinom ng gamot sa loob ng 10 taon.
Ngunit sa kabila ng pag-asang hatid ng pag-aaral na ito, maaga pa raw para sabihing tunay ngang mabisa ang paggamit ng pills para makaiwas sa sakit na kanser. Mangangailangan pa nang mas konkretong pag-aaral bago simuang irekomenda ang paggamit nito bilang pang-iwas sa kanser.
Bukod kasi rito, may ilang pag-aaral na isinagawa noon ang nagsasabing maaaring may koneksyon ang paggamit ng pills sa pagkakaroon ng karamdaman sa puso, kabilang na ang atake sa puso at stroke. Habang may isa pang pag-aaaral ang nagsasabi namang tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso dahil sa pills.