Matapos magpositibo sa nakamamatay na sakit na MERS-CoV ang isang 32 taong gulang na nurse na nagmula sa Saudi Arabia, agad na pinatawag ang mga iba pang pasahero ng eroplanong sinakyan ng nurse pauwi ng Pilipinas. Agad silang sinuri sa RITM kung positibo rin sa pinangangambahang sakit. Negatibo naman ang naging resulta ng pagsusuri 86 na pasahero na agad din namang nakauwi, habang patuloy naman na inoobserbahan pa ang dalawa pang pasahero.
Ayon kay Acting Health Secretary Janette Garin, “ikinagagalak po naming ibalita na dalawa na lamang ang pasyenteng kasalukuyang nasa RITM. Kasama na dito ang index case na nurse mula Saudi.”
Ang mga pasaherong pinauwi ay inaasahang magkukulong pa ng hanggang sa ika-24 ng Pebrero.
Dagdag pa ni Acting Secretary Garin, ang sakit na MERS-CoV ay hindi naipapasa sa hangin kung kaya wala dapat ikabahala lalo na ang mga nakatira sa Laguna at Kamaynilaan. Matatandaan na kamakailan lamang, matapos pumutok ang balitang positibo sa MERS-CoV ang isang nurse na nabubuntis pa, nagkaroon ng panic buying ng mga face mask sa lugar ng San Pedro, Laguna kung saan unang na-ospital ang nurse na nagpositibo.
Ang MERS-CoV ay maaring makahawa lamang sa pamamagitan ng maliliit na patak ng laway mula sa taong may sakit patungo sa ibang taong nakakasalamuha ng malapitan.