Pinaalalahanan at hinikayat ng Department of Health (DOH) ang lahat ng nagpapasusong ina na tanging gatas lang mula sa suso ang dapat ibigay sa bagong silang na sanggol hanggang sa pagsapit niya sa ika-6 na buwan. Ito’y bilang bahagi ng kampanya ng ahensya para sa National Breastfeeding Month ngayong Agosto na may temang “Tama, Sapat, Eksklusibo ang Pagpapasuso kahit nasa Trabaho” at upang mapaliit din ang lumalalang child mortality rate o bilang ng mga namamatay na sanggol sa buong mundo.
Ayon kasi sa National Nutrition Survey noong 2013, lumalabas na 5 sa bawat 10 ina ang hindi na nakakapagpasuso pa sa kanilang bagong silang na anak dahil sa kanilang mga trabaho. Ito raw ay nakadaragdag sa 800,000 na sanggol na namamatay sa buong mundo dahil sa kakulangan ng tamang nutrisyon.
Diniin ng DOH ang kahalagahan ng pagpapasuso lalo na sa unang anim na buwan sapagat dito nanggagaling ang pangunahing sustansya na kailangan ng bagong silang na sanggol. Ito ay ligtas, libre, at naayon sa pangangailangan ng sanggol. Ayon pa kay Health Sectretary Janette Garin, tatlo lamang ang kinakailangan ng isang bagong silang na sanggol: una ay ang init mula sa yakap ng ina, pangalawa ay gatas mula sa ina, at panghuli ay ang presensya mismo ng ina.
“Let us support breastfeeding in the health facilities, at home, in the community and at the work place. We are not only giving nourishment to our children but more importantly, the love that we feed our children cannot be substituted by any milk formula to help their optimum brain development, growth, and healthy nutrition.” – Janette Garin.