Balitang Kalusugan: DOH, muling nagpaalala ukol sa mga sakit sa balat ngayong tag-init

Nagpaalalang muli ang DOH sa publiko na mag-ingat sa mga posibleng sakit sa balat na maaaring idulot ng patuloy at umiigting na panahon ng tag-init. Hindi raw nawawala ang panganib na hatid ng sunburn at iba pang mga sakit sa balat na nakukuha sa matinding sinag ng araw. Mahalaga daw iwasang mainitan ng araw lalo na sa mga oras na alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.

Hindi raw tungkol sa pag-itim ng balat ang babala ng DOH kundi sa mga sakit na maaring idulot ng matagal na pagkakababad ng balat sa UV rays ng araw. Wala din daw pinipiling edad o kasarian ang mga kondisyong hatid nito kung kaya’t ang lahat ay hinihimok na mag-ingat.

Bukod sa sunburn, maaaring dumanas din ng ilan pang kondisyong ngayong tag-init gaya ng bungang-araw, dehydration at ang pinakamalala sa lahat, ang heat stroke.