Balitang Kalusugan: DOH, nagbabala sa mga sakit na pwedeng makuha sa swimming pool

Nagbabala ang Departmement of Health (DOH) sa publiko ukol sa mga sakit na posibleng makuha sa paliligo sa swimming pool gaya ng mga sakit sa balat at pagtatae. Paalala ni Secretary Janette Garin, hindi lamang ang pagpapalamig ng sarili ang dapat isipin ngayong panahon ng tag-init, bagkus dapat din daw makatiyak na ligtas at malinis ang tubig na paglulubluban.

Dapat alalahanin na ang mga pampublikong paliguan ang isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng mga sakit sa balat sapagkat ito ay pinagliliguan ng marami at iba’t ibang mga indibidwal na posibleng may dala-dalang mga sakit. Bukod pa rito, hindi rin malayong makainom ng tubig mula sa swimming pool at makapagdulot naman ng pananakit ng tiyan o pagtatae.

Ayon pa sa kalihim, ang mga bata ang pangunahing biktima ng mga karamdamang ito kaya’t nasa pangangalaga ng mga magulang ang kaligtasan ng kanilang mga anak.

Ang babala ay nasabi ni Sec. Garin nang makapagtala ng 17 na kaso ng pagtatae sa lalawigan ng Pangasinan na sinasabing may kaugnayan umano sa paliligo sa maduming tubig.