Nagpaabot ng pagkabahala ang isang opisyal ng World Health Organization ukol sa pagpapakalat ng sinasabing herbal na gamot para sa dengue at malaria. Ito ay nanggaling kay Dr. Julie Hall, ang country director ng WHO sa bansa. Aniya, posible daw na mahirapan o hindi na magamot ang sakit na malaria dahil sa pamimigay ng gamot na ActRx TriAct.
Ang ActRx TriAct ay ang kontrobersyal na gamot para sa dengue na isinailalim ng DOH sa eksperementasyon, sa pahintulot ni dating secretary Enrique Ona. Ang pamimigay ng gamot na ito ay agad din namang pinatigil ni Acting Secretary Janette Garin nang siya ay maupo sa pwesto.
Ang isinagawang eksperementasyon ay makailang-ulit na binatikos ng iba’t ibang grupo at organisasyong medikal kabilang na ang Philippine Society of Microbiology and Infectious Disease, Philippine College of Physicians, at Philippine Medical Association. Lahat ng mga grupong ito ay nagsabing mali at “unethical” ang hakbangin na ipinatupad ni dating sec. Ona.
Dagdag pa ni Dr. Lyndon Lee Suy, ang tagapagsalita ng DOH, hindi pa rin daw tapos ang imbestigasyon ng isang komite ng DOH na naatasan sa pag-iimestig ukol sa isyung ito. Inaasahan na lalabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon pagkalipas ng 2 linggo.