“Wala nang haze sa Pilipinas.” Ito ang pahayag ni Chief Esperanza Cayanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Ayon sa PAGASA, inihip na ng malamig na hangin mula sa Hilagang-Kanluran o Hanging Amihan (North East Monsoon) ang haze na hinigop ng dumaang Bagyong Lando at bumalot sa ilang lugar sa Pilipinas sa nakalipas na linggo.
Paglilinaw ng ahensya, ang haze na nakikita sa ilang syudad sa bansa ay maaaring dahil na lamang sa polusyon mula sa mga usok ng mga sasakyan at hindi mula sa haze ng Indonesia.
Dagdag pa ni Cayanan, magpapatuloy pa sa pag-ihip ang Hanging Amihan at Easterly Wind, at wala pa namang nakikitang paparating na bagyo sa bansa, kung kaya’t malabo na muling pumasok ang haze mula sa Indonesia sa mga darating na araw.
Noong Lunes, Oktubre 28, ang lebel ng haze sa bansa ay bumaba na sa 30 micrograms per normal cubic meter (g/Ncm). Ayon sa Department of Health (DOH), makasasama lamang sa kalusugan ang haze kung ito ay umabot na sa 154 g/Ncm.
Nilinaw din ni Secretary Janette Garin ng DOH na ang 2 namatay sa GenSan ay pawang dahil sa komplikasyon ng hika at walang koneksyon sa haze na naranasan sa lugar.