Isang makabagong contact lens na may kakayanang mag-zoom sa pamamagitan ng pagkindat lang ang ang kasalukuyang pinag-aaralan sa Estados Unidos. Ito raw ay makatutulong na malaki sa mga taong nakararanas ng malubhang kondisyon ng panlalabo ng paningin lalong-lalo na yung dulot ng katandaan.
Image Source: www.discovermagazine.com
Ayon sa ulat, ang lente ay may sukat na 1.55 milimetro na kapal na may manipis na teleskopyo sa gitna na makatutulong palapitin o palayuin ang paningin sa pamamagitan ng pagkindat lang at kaya nitong palapitin ng 2.8 na beses ang normal na paningin. Ang hi-tech na lente ay yari sa plastic, salaming aluminum, at maninipis na polarizing film na pinagkabit-kabit at binuo.
Humigit kumulang 285 milyong katao na nakararanas ng panlalabo ng paningin sa buong mundo, lalo na ang mga matatanda na nakararanas ng age-related macular degeneration (AMD)—isang kondisyon ng panlalabo ng paningin sa mga matatanda na maaring humantong sa pagkabulag— ang sinasabing matutulungan ng pag-abanteng teknolohikal na ito.
Ang inobasyong ito ay unang inilabas noong taong 2013 ni Eric Tremblay sa isang pagpupulong sa American Association for the Advancement of Science (AAAS) sa California, Estados Unidos. Si Eric Tremblay ay isang espesyalista sa optics na nagmula sa Ecole Polytechnique Federale de Lausanne sa bansang Switzerland.