Balitang Kalusugan. Higit 1.7 milyon estudyante, nakatanggap ng libreng bakuna

Sa ika-apat na linggo ng pagbibigay ng libreng bakuna sa mga estudyante ng Grade 1 at Grade 7 sa mga pampublikong eskuwelahan, inihayag ng Department of Health na nabakunahan na ang higit 1.7 milyon na mag-aaral sa buong bansa.

Ayon sa ulat ng DOH, nabigyan na ng libreng bakuna para sa Measles-Rubella (MR) ang 407,757  na mag-aaral ng Grade 1, at 391,077 na mag-aaral ng Grade 7, habang ang 553,319 na mag-aaral ng Grade 1, at 391,813  na mag-aaral ng Grade 7 ay nabigyan naman ng libreng bakuna para sa Tetanus-Diphtheria (TD).

Dahil hindi pa naaabot ng ahensya ang kanilang target na bilang ng makakatanggap ng bakuna, palalawigin pa ang deadline ng kampanya hanggang sa buwan ng Setyembre.

Image Source: www.independent.co.uk

Ani DOH Secretary Janette Garin, ” Inaaanyayahan namin ang mga magulang na payagan ang kanilang mga anak na mabakunahan. Ang mga bakunang ito ay makapagbibigay ng panghabang-buhay na proteksyon mula sa tetano at diphtheria, at mapapababa naman ang mga nagkakasakit ng tigdas at tigdas hangin. Nakasisigurong ang mga bakunang ginagamit ng DOH ay aprubado ng WHO, at ang mga ito ay ligtas, epektibo at ginagamit din sa ibang parte ng mundo. [We highly encourage parents to let their children be vaccinated. These vaccines will provide life-long immunity against tetanus and diphtheria and will help reduce sickness and death due to measles and rubella. The DOH uses vaccines approved by WHO which are safe, effective, and used worldwide.]”

Ang kampanyang ito ng DOH ay bahagi ng programang “Bakuna para sa Kabataan, Proteksiyon sa Kinabukasan” na sinimulan noong Agosto 3. Layon nitong mabigyan ng bakuna ang mga 95 % ng mga kabataang Pilipino. Sa tulong nito, maiiwasan ang 2 hanggang 3 milyong kamatayan sa buong mundo dahil sa tetano, diphtheria, tigdas, at tigdas-hangin.