Balitang Kalusugan: Higit 400 na estudyante sa Laguna, naospital dahil sa food poisoning

Tinatayang 407 na estudyante sa Calamba, Laguna ang sinugod ngayong Biyernes, Hulyo 24, sa mga ospital dahil sa hinihinalang kaso na naman ng food poisoning.

Ayon sa city health office ng Calamba, higit 400 na estudyante ng Real Elementary School ang sinugod sa iba’t ibang mga ospital sa Calamba City sa Laguna at Sto. Tomas sa Batangas matapos umanong makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka.

Ang mga kinaing ice candy at cup cake ang tinuturong dahilan ng pagkakalason sa mga bata na ang edad ay naglalaro sa 5 hanggang 12 na taong gulang.

Kaugnay nito, agad namang nagpatawag ngpulong ang lokal na pamahalaan ng Calamba para tugunan ng isyu.

Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigahan ng pinagsamang puwersa ng pulis at sanitation officer ng lungsod kung ano ang sanhi ng pagkakalason sa mga estudyante. Habang sa ,ga ospital naman ay patuloy ding inoobserbahan ang kalagayan ng mga estudyante.